Bakit ang awit
Ay kailangan ng himig
Na kailangan ng titik
Na kailangan ng tinig
- Kailangan Kita
Leah Navarro
Tinig. Isang salita lang pero andami-daming bagay na sumasagi sa isip pag naririnig o nababasa. Una dito ay ang tinig bilang boses. Tinig-tunog. Naririnig. Nasasagap ng tenga, nararanasan ng pandinig. Sobrang gulo na ang kalibutan sa ngayon at halos lahat ay kanya kanya ang tinig, ang tunog - nagsusumigaw, nagpupumilit, nagsusumiksik, naghuhumiyaw. Lahat, may gustong sabihin. Lahat may isinasatinig. Lahat gustong mapakinggan. Mula sa boses ng mga komentarista sa radyo sa AM pati na rin mga deejay sa FM na dati nagpapatugtog lang ng musika ay may kailangan na rin sabihin sa mga bagay bagay. Hanggang sa telebisyon na walang humpay ang pagtatalak. Pati sa internet. Lahat may face book, lahat may twitter, may blog at kung ano-ano pa. Lahat may sinasabi. Lahat may tinig. Pati na rin ang mga bagay na walang boses at hindi naririnig, may gustong isatinig. Mga naghihiyawang mga billboards sa kakalsadahan, makukulay na mga patalastas na nakaimprenta, mga nagsusumigaw na mga headlines - lahat nagsasatinig, lahat may gustong sabihin, lahat naghuhumiyaw. Parang ako. May sinasabi sa blog na ito. Letra na bumubuo ng salita na bumubuo ng mga pangungusap. Nangungumbinsi, nagdidiskurso, nagpapaintindi - nagsasatinig. Pero sa tutoo lang hindi talaga ito ang tinig ko. Ang tinig ko ay ang panunula.
Ani Jesus Manuel Santiago,makatang progresibo, ang tula ay pumpon lamang ng mga salita. Ngunit sa panunula nagkakaroon ng lawak, lalim, taas, sangkad at pagkakahulugan. Nagkakaroon ng amoy, lasa, paningin pati damdamin. Nagkakaroon ng tinig pati ang katahimikan. Ito ang kapangyarihan ng panunula; mahika ng tinig na hindi dinig ngunit maalingawngaw. Oo nga pala, ang tula, mas karaniwang ang tula ay nababasa, hindi naririnig, ngunit ang tinig nito ay nagtatagal at nakakatigalgal at mas nananatili hindi lamang sa isipan ngunit pati sa diwa at hiraya.
Ito ang tinig ko. Hindi man dinig, mas antig. Maliit ang tinig na ito. Kadalasan hindi nga naririnig. Hindi naghuhumiyaw. Hindi nanghihingi ng atensyon at hindi nagpupumilit marinig. Nakapagkit lang sa pahina. Nakasulat.at naghihintay madama. Naririnig mo ba ang katahimikan?