Ang Giyerera
Ni Luis Batchoy
Hindi sundalo ang aking nanay,
Pero sumasabak sya sa matinding away.
Dala’y palu-palo, sabon at palanggana,
Sambundok na labada ang kalaban sa giyera.
Puti at de-kolor, una’y paghihiwalayin
Upang dugo ng kalaban, di magsalin-salin.
Lulunurin nya sa tubig ang kaaway
Magdamag na ibababad ang mga pasaway.
Pagkatapos isa-isa nyang sasabunin
Mahihigpit na kalaban kanyang kukuskusin.
Ubos lakas na pipigain at pipilipitin
Ang pagkapanalo, kanyang sisiguraduhin.
Matapos ito, kanya nang babanlawan,
Upang makita, tagumpay ng kalinisan.
Isa-isa na nyang isasampay,
Talunang mga kalabang lupaypay.
Meron daw syang sikreto
Sa kanyang laging pagkakapanalo.
Lalabanan daw nya, labada man ng buong mundo
Maitaguyod lamang kami ng mga kapatid ko.
Sinabawang Isda
Ni Luis Batchoy
Sinabawang isda na naman ang ulam,
Ako ay talagang takam na takam
Nanay ko lang naman kasi ang nagluto
Pinakasikat na kusinera sa buong mundo.
Maingat na kinaliskisan ang isda
Sing ingat ng kanyang pagaalaga.
Sing-asim ng tumulo nyang pawis
Sa trabahong bumubuhay sa amin.
Pinakuluan sa isang kaserolang tubig
Sing init ng pagmamahal nya sa amin.
Sinahugan ng konting sibuyas
Tulad ng manamis-namis nyang mga ngiti.
Konting hinog na kamatis,
Tulad ng pagpaphinog sa mga pangarap namin.
Luyang binungkal mula sa lupa,
Gaya ng pagsiskap nya para sa amin.
Pag naluto sabay kaming kakain
Salu-salo sa iisang mesa
Payak man ang pagsasaluhan
Puno naman ng pagmamahalan.
Handa na ang sinabawang isda
Bubusugin pati puso at kaluluwa
Ang nanay kong kusinera
Kayang kayang lutuan ang sanlibutan.
HAPPY MOTHER'S DAY BATCHOY DENIZENS!
1 comment:
Wala nang dadakila pa sa mga inang nagbubuntis at hanggang sa huling hininga ng kaniyang anak ay nakaagapay. Sila na.
:)
Post a Comment