Tuesday, May 8, 2012

Sikat




  Super tagal na akong hindi nakakapagsulat dito sa blog na ito. Paano kasi, micro-blogging na rin ang facebook at andami ko na ring katamaran at rason kumbakit hindi na makapag update. Sana nandyan pa kayong mambabasa ng Batchoyan. Heniweys, sinipag akong magsulat today at instead na ipost sya bilang note sa facebook, naisipan kong mag update ng blog. So here I am. Wala nang madaming cheche-bureche. Simulan na ang sanaysay! Enjoy!
Sikat

Matagal ko nang nabasa ang sanaysay ng aking ina sa panulatan, ang sirena ng literaturang Filipino na si John Iremil E. Teodoro sa kanyang librong ‘Pagtatalak at Pagmumuni ng Sirenang Nagpapanggap na Prinsesa.’ Sa sanaysay na ‘yon, ikinuwento ni mother John kung ano ang posibleng mangyari kung ang isang manunulat na tulad nya ay kasing sikat ng isang matinee idol na nakikitang sumasayaw-sayaw at pakanta-kanta sa TV. Dahil mahisaon ako at sa tingin ko ay mas ambisyoso, iu-update ko lang ang sanaysay nya. Nabasa ko kasi sa mga networking sites gaya ng Facebook ang diumano’y nangyaring bugbugan at eskandaluhan sa pagitan ng mag-asawang artistang sina Raymart Santiago at Claudine Baretto, at ang mamamahayag na si Mon Tulfo. Ayon sa balita, narinig daw ni Mon Tulfo ang isang babaeng nagwawala at inaaward ang isang ground crew ng isang airlines. Halos wala na raw dignidad ang crew kung lait-laitin ng babae kaya na kyuryus daw si kuyang Mon. Kinuhanan daw nya ng litrato at bidyo sa kanyang cellphone ang eksena at nakilala daw nya ang laitera at yawyawerang babae na si Claudine Baretto. Nilapitan daw sya ni Raymart Santiago na asawa ng artistang yawyawera at kinukuha daw sa kanya ang cellphone nya. Nung ayaw nyang ibigay dun na bigla raw syang sinunggaban at pinagtulungan ng mga kasamahan ng mag-asawa. Iba-iba ang bersyon nila sa nangyari pero hindi yun ang point ng sanaysay na ito. Bahala sila sa mga buhay nila. So okay, nasaan na ba tayo? Ay oo, dun sa premise na kung ano nga pala ang pwedeng mangyari kung kasing sikat nila ang tulad kong makata. Hmmm… So there I was… shempre ingles para shalan di ba! Kalalapag lang ng eroplanong sinakyan ko sa paliparang pandaigdig Ninoy Aquino sa Pilipinas. Saan ba ako galing? Wait, oo, galing akong Geneva. Naimbitahan kasi ako dun bilang makatang Ilonggo. Binigyan ako ng award bilang isang Hiligaynon writer. Narealize kasi nila kung gaano kahalaga ang Lengwaheng Hiligaynon ‘in the greater scheme of things’ – ideya nila yun, hindi akin. So, ok, kagagaling ko lang dun sa parangal nga na yun. Diretso na ako sa baggage area. Kukunin ko na ang aking bagahe sa carousel. Matapos ang napakatagal na hintay, wala ang bagahe ko. So didiretso ako sa ground crew. Malalaman ko na lang na hindi pala niload sa eroplanong sinakyan ko ang bagahe ko. Naku! Malaking problema ito. Maririnig ni Mon Tulfo ang aking concern kahit hindi ako nagyayawyaw… wait, wag na si Mon Tulfo. Dapat CNN ang leveling… sige si Kyra Phillips na, or si Soledad O’Brien, o di kaya si Connie Chung… ay wait, wag na, si ano na lang – si Fabienne Paderes – yung internationally renowned broadcast Journalist na Ilongga. Bakit ba! Sanaysay ko to, at kaibigan ko si Fabienne, so yun, sya na. Where was I – ayun so nakita nga ni Fabienne na kinakausap ko yung ground crew ng masinsinan, and let me reiterate – hindi ako sumisigaw. Cool lang ako. Very reserved and sedate lang. Nung malaman ni Fabienne ang concern ko, sya yung magpapanic. Hindi pwedeng mawala ang akin bagahe! After all, nandun ang draft ng aking bagong Hiligaynon literary masterpiece na nobela. Nandun din ang mga works in progress ko tulad ng translation sa Hiligaynon ng Noli at Fili at yung malapit na ring matapos na salin ng Anna Karenina in Hiligaynon! Hindi pwede ito! Nakasalalay dito ang ‘stake’ ng literturang Pilipino sa pandaigdigang lebel! Magagalit si Fabienne sa ground crew! Isa itong emergency na dapat malunasan sa lalong medaling panahon! Medyo napataas ang boses ni Fabienne kaya naglilingunan ang mga ibang pasahero. Tapos na realize nila na nawalan nga ng maleta ang isang living ‘gem’ in Philippine Literature. Hindi nila ito ma take! Magkakaroon ng cataclysm pag nagkataon! So, nag tweet sila at nag update ng mga status nila. Nagkaroon ng komosyon. Yung ibang mga pasahero, dali daling bubuklatin ang mga maleta nila. Kanya kanya silang labas ng kopya nila ng mga libro ko – kanya kanyang lapit para magpapirma. May nag-iiyakan at nagsisigawan! Hindi nila lubos maisip na ma-meet nila ng personal ang isang Hiligaynon na makata! Yung iba, naglalabasan ng mga bags, Ziplocs at kung anu-ano pang mga lalagyan. Sinisilid nila ang hangin na posibleng nahinga at naibuga ko. Gagawin nila itong mga heirlooms at ang iba ay ibebenta sa ebay. Magkakagulo na ang lahat. Ifa-flash sa screen ang breaking news tungkol sa pagkawala ng maleta ko. Maghihiyawan ang mga tao. Ang iba sa kanila hahagulgol. Magdadasal sila n asana mahanap na ang maleta ko. Maraming tao ang makikipagsiksikan na makamayan ako o mahawakan man lang ang aking shaolin braided hair. Magbabanta ang isang stampede! Shempre, lalabas bigla ang aking bana – well, actually hindi naman necessary na bana talaga, pwede namang asawa, wala naman akong reklamo dun – pero syempre dahil sa kwento nila Claudine ay bana nya ang umeksena, so sige, bana na nga lang. SO, yun lalabas na ang bana ko para protektahan ako sa mga tao. Wait lang, sino ba ang bana ko – o sige si Cid Lucero na lang. So lalabas na nga si Cid para protektahan ako sa nagdadagsaang mga tao – ay wait, baka hindi kaya ni Cid, palitan natin – si ano na lang, si Wolverine – si Hugh Jackman na lang. Bakit ba! Sanaysay ko to, at libre naman mangarap. Sulat ka rin ng sanaysay mo – walang basagan ng trip. Where was I – so yun na nga lalabas na nga si Hugh. Yayakapin nya ako para maprotektahan ako sa mga tao. Maglalabasan na ang mga camera at masisilaw na ako sa mga flash ng camera. Isusuot ko na ang aking Prada na HD shades kasi baka mabulag ako hindi na ako makakapagsulat. Ilalayo na ako ni Hugh sa mga nagdadagsaang mga tao. Wala na kaming madaanan. Siksikan na talaga sa Airport. Sobrang dami na ng mga tao at kahit sa mga exit ay nagaabang na ang mga tao para makita lang ako. May mga tarpaulins na sa labas at nagtatrapik na hanggang EDSA. Tatakbo kami ni Hugh papuntang runway. Mahahablot ng isang fan ang aking Hermes na scarf habang tumatakbo kami ni Hugh! Nagraradyo na ang ATO kung ano ang gagawin at miski ang president ay aligaga na rin. Pinapadala ang personal na eroplano ng president pero mabagal at kakarag-karag yon. Matagal pa bago makatake-off yun. Sisenyas ang isang opisyal sa airport na may nagaantay na dawn a helicopter para masakyan namin. Hindi na napigilan ang mga tao at nakalabas na sila sa runway hinahabol kami ni Hugh. Makakasakay kami sa Helicopter at makikita ko na sobrang dami ng tao para silang mga langgam. Kakaway ako sa kanilang lahat at magiiyakan sila at maghihiyawan sila. May isang chubby na chinito na hahabol sa helicopter at magaabot sa akin ng mga bulaklak. Aabutin ko yun habang umaangat ang helicopter. Yayakapin ako ni Hugh. Aagawin ang bulaklak na bigay ni Chubby Chinitong kuya. Itatapon nya yun at sasabog ang mga talulot ng bulaklak habang papalayo na ang Helicopter namin. Tatatnungin ko sya kung bakit nya ginawa yun. Sasabihin nya na may naka imbed pala na GPS sa mga bulaklak. Dideretso muna kami sa isang isla kasi inaabangan na rin ng mga tao sa lahat ng paliparan sa buong Pilipinas kung saan kami lalapag ni Hugh. Kakawayan ko ang mga mahal kong mambabasa one final time! Pakialam ko sa isyu ng letcheng Claudine, Raymart at Tulfo! Hehehehe. Meanwhile, magbabayad muna ako ng kapeng ininom ko dito sa kapehang ito. Libre kasi ang WiFi dito at syempre, hindi ako kilala ni Cid Lucero – lalo na ni Hugh Jackman – at kung mabasa ito ng aking mother John Iremil, I’m sure sasampalin nya ako!

1 comment:

Anonymous said...

Nawa sana'y matapos na ang nakakarinding balita na ganyan,at maparusajan na ang dapat maparusahan...:)

magandang umaga po!

iniimbitahan ko po kayo sumali sa patimpalak ng kamalayang malaya dito po...

http://http://kainaman.wordpress.com


:)