Sunday, March 15, 2009

Mula Silya Hanggang Kama




Kung mapapansin ninyo, ang mga huling mga posts ko ay tungkol sa mga kagimikan ko sa Manila. Pwede kong ikwento na parang talaarawan ang bawat araw na nasa Manila ako, pero mas pinili ko ang ilahad ang mga kwento na ang tampok ay ang mga taong naging bahagi ng karanasang iyon.

Mas mahalaga kasi sa akin ang tao, higit at lampas pa sa kung ano ang nangyari sa mga kagimikan na iyon. Naikwento ko na si Charmita at ang mga Sendora. Susunod pa ang kwento tungkol kay YJ at ang mga TL, at syempre pa, ang kaabang abang na "Closure" namin ni Ely.

Nakakapagsulat ako sa wikang Ingles, Hiligaynon, Tagalog/Pilipino, at Baklese, pero bilang pagpupugay sa taong sunod kong ikukwento, marapatin nyong gamitin ko ang wika kung saan sya bihasa. Wikang gamit nya sa kanyang blog, na nakakapagpapatayo ng aking balahibo, at minsan nang nagpa alab sa aking hiraya para makapagsulat ng tula. Samakatuwid, iniidolo ko sya dahil sa kanyang matulain, at napakagandang prosa sa kanyang blog. Wala na akong iba pang tinutukoy kundi ang pagkabait bait, at ang may pagkaganda/gwapong puso na si Aris ng blog na "Ako si Aris"


Alam ko, bilang dayo sa Manila, na ang mga tao sa lugar na yun ay laging gahol sa oras. Kaya naman, maaga pa ay nagpasabi na ako, para naman mapaghandaan nila. Samakatuwid, ibinandera ko na nga ang aking numero sa aking blog para naman kung sino ang nagnanais o may panahon para makipagkita at makapagusap usap ay maari na lamang magtext. Ayaw na ayaw ko kasing inoobliga ang iba, o pinagsisiksikan ang aking sarili sa mga taong wala namang panahon o ayaw akong makasama. Pero syempre pa, di ko man sabihin, ay sasama ang loob ko kung lilipas ang pagkakataon na hindi ko makikilala o makikita man lang ang iilang taong tinuturing ko na ring kaibigan. Isa si Aris sa mga yon. Bago pa man, nagsabi na sya na hindi sya makakapagpakita sa akin dahil meron nga siyang kasalang dadaluhan. Nalulungkot man ako at nasasayangan sa pagkakataon, dahil nga hindi naman ako madalas lumuwas, ay naintindihan ko pa rin na may mga mas mahahalagang bagay siyang dapat pagtuunan ng pansin.

Masayang masaya na ako at sulit na sulit sa concert ng Eheads, na ayos na sa aking humilata sa aking kama buong gabi pagkatapos ng palabas. Nanamnamin ko na lang sa pagbabalik tanaw ang mga kaganapan sa konsiyerto. Ngunit mahal talaga ako ng Makapangyarihan dahil hindi pala sa ganun matatapos ang araw ko. Nung malapit nang matapos ang konsiyerto ay nag mensahe si Aris sa akin. Hindi na raw siya tumuloy sa kasalan, at gustong makipagkita sa akin sa Malate. Tutuparin nya ang pangako nya sa aking dadalhin nya ako sa Bed.


Matapos magpalit at mag ayos, dumiretso na kami ni YJ at NJ sa Silya. Andun naghihintay si Aris. Papatunugin ko pa lang ang kanyang telepono, nang biglang may tumayo at lumapit na sa akin. Matangkad, maputi, makinis, matipuno at gwapong lalaki.

"Luis? Ako si Aris"

At hindi na ako nakatutol nung niyakap nya ako. Pinakilala nya ako sa mga kasamahan niya, at pinakilala ko din sila kay YJ at kay NJ. Nalungkot lang ako dahil nagpahiwatig na si YJ na mauuna. Naiintindihan ko naman siya. Syempre mas uunahin nyang intindihin ang pangangailangan at kagustuhan ng kanyang minamahal. Sa bawat minutong itinagal ng usapan namin ay parang taon ang nilalakbay ng aming pagkakaibigan. Tawanan, buntong hininga, at kung ano ano pa ang mga naging reaksyon ko sa mga kwento nya. Nakita at nakilala ko ang ilan sa mga tauhan sa kanyang mga kwento sa blog nya. Nalaman ko rin na wala palang alam ang buong mundong ginagalawan nya na nagbo-blog sya liban sa isa nyang kaibigan, kung kaya't nakapalayaw ang mga tauhan sa mga kwento nya. Halos hindi maubos ubos ang kwento nya. Mangha rin ako na halos lahat ng nadaan sa Silya, ultimo mamalimos at nagbebenta ng yosi ay kilala nya at kilala sya. Tuwang tuwa ako sa kanya, at bilib na bilib ako sa pagkatao nya. Parang ayaw ko maniwala nung sinabi nyang tinitingala nga daw nya ako dahil napaka "prolific" ko daw magsulat, at may mga International at National na Awards sa pagsusulat. Hindi ko naman maitago ang pag hanga ko sa kanyang pagsusulat at napakagandang pagkakagamit ng wika sa kanyang blog. Makaraan ang di matapos tapos na "last yosi,' ay tumayo na kami, at tumungo na sa Bed, gaya ng naipangako nya.


Nagsinungaling ako sa kanya nung sinabi ko na dapat ay dalhin nya ako sa Bed para makita ko naman kung ano ba ang meron dun. Samakatuwid, hindi iyon ang unang punta o pasok ko sa Bed at alam ko naman ang mga nangyayari dun. Na "touch" ako sa pag aalala nya at pasilip silip sa kung ano na ang nagyayari sa akin at sa kalagayan ko. Tingin ko nga ay sinadya nyang hindi magkaroon ng hada para mabantayan at matignan kung okey ako. Natutuwa naman ako tuwing makikita ko sya na may kasayaw at ka- "alam mo na..." Go lang ng go. Okey na okey lang ako!

Nung wala na halos tao, ay lumabas na kami. Hindi pa nakuntento, sumaglit muna kami sa "O". Pagkatapos nun, lumabas naman kami at dahil putok na ang araw, nag breakfast muna kami sa Silya. Andun ulit ang barkada nya kanina. Tuwang tuwa naman ako dahil kung kanina ay tahimik at nauna nang pumasok sa Bed ang barkada nya, ngayon naman ay sali sali na sa usapan at nagkakatuwaan na kaming lahat. Mababait ang mga barkada ni Aris, at inaasahan ko na hindi ito ang huli naming pagsasama sama. Sigurado ako, hahanap hanapin ko ang saya at usapang ito. Tuwang tuwa ako. Hindi lamang ang mundong ginagalawan nya sa Malate ang naikwento nya sa akin. Pati personal nyang buhay, trabaho, paglalandi, pag-ibig, kasawian at kung anik anik ang naikwento nya sa akin. Hindi nauubusan ng kwento si Aris at tuwang tuwa naman akong nakikinig sa kanya. Kahit pa ba magdamagan ulit eh. Walang nasayang na oras. Sa lahat ng kwento nya, lumalabas ang ganda ng kalooban at busilak nyang puso. Hindi naman sya dalisay at walang bahid ng dumi, pero isang salita lang ang mailalarawan ko sa kanya... TUTOO! Ito ang mga klase ng taong nakikita ko ang sarili kong kasakasama sa haba man o igsi ng buhay ko sa mundo. Mga taong hindi mapagimbot, walang kiyeme, at makulay ang buhay.

Kay igsi ng mga oras na nakasama ko sya, pero naipangako ko sa aking sarili na hindi ako babalik ng Manila na hindi ko sya nakikita o nakakasamang muli. Sa mga sandaling yun mismo ay nangako ako sa aking sarili na pakaiingatan ko ang magandang pakikitungo at pagkakaibigang ipinakita nya sa akin. Napakaswerte ko naman at ikanararangal ko na makilala siya. Pinapangako ko rin na hindi lang iyon ang una at huli namin pagkikita. Masayang masaya ako. Yun ay simula pa lamang ng isang magandang pagkakaibigan naming dalawa.

Siya si Aris.


Sa yo Aris, maraming maraming salamat at napagdamutan mo ako ng iyong oras at pansin. Asahan mo na ano mang oras, magsabi ka lamang ay nandito ako at nakahandang makinig sa walang katapusang mga kwento at paglalahad mo sa akin. Wag kang mag atubiling magkwento dahil nakahanda akong makinig sa yo. Salamat at hanggang sa muling pagkikita. Mabuhay ka!

Photo Credits:

http://www.richard-seaman.com/Travel/Philippines/Highlights/index.html
http://www.flickr.com/photos/hitherto/1243689015/
http://tl.wiktionary.org/wiki/silya
http://flickr.com/photos/kuron/2310459680/
http://akosiaris.blogspot.com

6 comments:

Herbs D. said...

hmm. makes me wanna go for Malate someday :D boys boys boys hahaha.

Yj said...

sabi ko na na eh.... ang dami kong na-miss heheehe

sabi mo nga.... marami pa namang pagkakataon.... hanggang sa muli....

Luis Batchoy said...

herbs : i dont like boys. I want em men

Yj: talagang marami... tatandaan, magbabalik at magbabalik ako jan noh

Aris said...

luis, my dear. napakalaking karangalan naman ng post na ito tungkol sa akin. Nahihiya naman ako sa mga mambabasa mo. maraming salamat sa friendship mo. napakasaya ko na nakilala kita nang personal. hanggang sa muli. mwah! :)

Anonymous said...

i think nagbasa na ako sa blog ni Aris if i recall.

katuwa ang sinulat mo. i've always wanted to go to BED noon pa halos isama ko ex ko, kaso things always happen.

Luis Batchoy said...

aris: basta stay true. Hanggang sa muli kaibigan


Reyna: things also happen sa BED hehehehe